Happy Anniversary

Ilang taon na rin ang nakalipas. Nitong araw na ‘to. Pagkatapos ng pag-iwas at pag-amin nating dalawa, naging tayo rin. Naging handa tayo sa maaaring idulot ng isang relasyong wala tayo sa piling ng isa’t-isa. Pilit nating nilabanan lahat ng pagsubok. Pero salungat sa aking akala na ako ang hindi magtatagal sa ganoong sitwasyon, kabaligtaran ang nangyari. Napakasakit sa akin noon. Pagkatapos ng lahat ng pagtitiis at panahon na ibinuhos nating pareho, mangyayari rin pala ang kinakatakutan ko. Doon ko nasabi na marahil nga, hindi sapat ang gustuhin ang isang bagay para ito ay mangyari o mapa-saiyo. Pero pilit pa rin kitang inintindi. Sa kabila ng pangungulit na mayhalong pagmamakaawa ko sa iyo sa halos araw-araw, pinatawad na kita. Dahil alam ko kung gaano kahirap ang magmahal ng isang tao na hindi mo man lamang makatabi. Hindi ka man lang maipagtanggol sa tuwing may mang-api sa’yo. Hindi ka man lang mayakap sa tuwing nalulungkot ka. Matagal na panahon rin ang lumipas—habambuhay na, sa pakiramdam ko—ikaw pa rin ang minahal ko. At sa tuwing kinakailangan mo ng kausap, o payaso para patawanin ka o patayin ang iyong oras, naroroon ako. Kahit sa pamamagitan man lamang ng cell phone. Marahil ay kahinaan nga iyon…pero hindi ko alam kung kahinaan nga na matatawag ang magtiis at panindigan ang paniniwalang magiging tayo rin sa huli. Naisip ko lang na hindi tamang hindi ako pagbigyan ng Maykapal…hindi tamang ipagdamot Niya sa’yo ang ganito katotoong pag-ibig. Madami tayong napagdaanan. Madami ang nangyari sa atin. At sa dulo ng mga pangyayaring ‘yon, pinagtagpo ulit tayong dalawa ng tadhana. Pareho na tayo muling nasa Manila. Hiwalay ka na sa kanya at nagpunta rito para magtrabaho at kalimutan na muna ang Davao. Ako naman ay kinailangang iwan ang Dumaguete at umuwi dito dahil namatay na ang aking mga magulang at kinakailangan kong tumayo bilang tagapagtaguyod ng natitira sa aking pamilya. Naging tayo muli. Nais kong isipin na maydahilan kung bakit tayo pinagtagpong muli. Na hindi naging sayang ang lahat ng pagtitiis ko. Na tama ako sa aking paniniwala. Naging masaya tayo. Pero sa hindi malinaw na dahilan, nagkulang ako sa’yo. Ngayon ko nalaman na nagkulang ako sa pagpaparamdam sa’yo ng pagmamahal. At may ilang beses ring nasaktan kita sa pagiging ako. Ngayong wala ka na. Kinailangan mong mangibang-bansa para diyan naman makipagsapalaran. Iniwan mo ako at ang pangakong hindi tayo maghihiwalay kailanman. Na sa buong panahon ng pananatili mo diyan at sa hanggang magbalik ka ay mananatiling tayo pa rin. Inaamin kong hindi ako perpektong tao. Napakalayo. Pero gusto ko rin sanang ipaalala sa iyo na inibig mo ako bilang ako. At inibig rin kita bilang ikaw. Kung dati ay may nagawa akong bagay na para bang pinipilit kong baguhin ka, patawad, hindi ko sinasadya ang mga iyon. Kung hindi ka naglalagay ng ketchup sa pizza at pikon kapag nag-aasaran tayong dalawa ay hindi na magiging ikaw ‘yon—ang babaeng mahal na mahal ko. Maintindihan mo sana na kung hindi ako iresponsable sa ilang pagkakataon at hindi maging sarkastiko lalo na sa mga pagkakatong hindi dapat, ay hindi na rin pagiging ako ‘yon. Hindi mo ako kinakausap ngayon. Galit ka sa akin. Galit ka dahil ako ay ako. Iresponsable. ‘Yan ang huling sinabi mo sa akin. Pero bago pa man mangyari ‘yan, nararamdaman ko na. Na kung anumang pagmamahal ang meron ka para sa akin ay unti-unting nawawala na. Siguro dahil sa pagiging magkalayo natin. Ang mga huling salitang sinabi mo sa akin ay kinumpirma lang ang hula ko. Hindi ko kasi maintindihan kung paano mong matitiis ang isang tao na “mahal” mo, habang alam na alam mo na nasasaktan siya sa bawat sandali na alam niyang galit ka sa kanya. Sabagay, kung naging madali kang magpatawad…hindi ka na magiging ikaw. Mahal kita. At kung saan man humantong itong lahat, mamahalin pa rin kita. Kagaya ng ginagawa ko nitong huling siyam na taon kong naging kakilala kita.

Gabi-gabi akong umiinom ngayon, makatulog lamang ng hindi na dumadaan sa pag-iisip at pag-alala na posibleng sa kabila ng lahat…matatapos rin pala.

Happy anniversary.

Isang Tugon tungo sa “Happy Anniversary”

  1. Stacey ay nagsabing:

    Hays ang sad… ramdam sa words mo yung emotions… ayun eh…

Mag-iwan ng Tugon