Nakasandal siya sa upuan, halos buong gabi na naman ang inubos niya sa idlip niya sa bilog niyang mesa. Tambayan niya nahangga’t sa makakayang abutin ng alaala ko. Doon niya ginagawa ang kung anumang mga gawain niya: mamili ng mga kumbinasyon na itataya sa jueteng/Lotto, kumain, manuod ng TV, at syempre pa, ang “maidlip”. Siya si Papa Boy, kapatid ng lola ko at tiyuhin ng erpat ko.
Nakakatawa at nakakalungkot isipin na sa kabila ng mga kuwento niya ng mga conquests niya bilang binatang anak ng isang Senate President dati, eh tumanda siya ng walang anak at walang asawa. Kaya siguro magmula dati, eh kaming mga apo na ang pinagbubuhusan niya ng lakas; pagmamahal, pangungulit, at pang-aasar.
Maliit pa man ako eh panot na si Papa Boy, at puti lahat ng natitira niyang buhok. Dahilan na rin kung bakit “Kalbo” ang tawag naming mga bata sa kanya dati kapag nakatalikod siya. Lalo na kapag nainis kami sa kanya…na may kadalasan mangyari. Saksakan niya kasi ng kulit. Andiyan ang kagustuhan niyang malaman ang lahat ng bagay na wala namang kinalaman sa kanya. Ang pag-aabang sa’yo na matapos kumain—para lang matanong ka niya kung tapos ka na bang kumain. Ang pagsadya niyang gumawa ng ingay para lang magising kami kung gising na rin siya sa umaga. Hindi man nakakainis ang mga bagay na ‘to sa tingin niyo, hinahamon ko kayong danasin ito bilang bata, sa araw-araw na ginawa ni Lord. ‘Di magtatagal eh hihilingin niyo na lang ang biglaan at walang-babalang pagkamatay.
Hindi lang kami ang dumaan sa pagka-asar kayPapa Boy. Pati si erpat, kasama ng kapatid at mga pinsan niya, eh ganun din dati. At kagaya namin, bumabawi rin sila sa kanilang mga paraan. Hihintayin nilang matapos maligo si Papa Boy pero tiyempong hindi pa nakakapagpatuyo…saka nila sasabuyan ng buhangin ang bintana ng banyo, para dumikit ‘yun lahat sa basa nilang tito. Ako naman eh ilang beses nang pinalanguyan sa alagang pagong ang tubig na alam kong gagamitin niya sa pagligo, o kaya naman eh kikilitiin ko ng ting-ting ang bumbunan niya sa tuwing nakakatulog siya sa mesa niya.
Siyempre, madalas rin akong mapahamak dahil sa kanya. At kapag napuno at nagsumbong ‘yan sa erpat ko—kahit na alam kong natatawa ang daddy sa ginawa ko/namin—yare. Madaming kakatwang ugali si Papa Boy. Isang bagay na nalalaman ng madaming tao na nakapasok na sa bahay na ito (pilitin man nilang huwag alamin, mapapansin pa rin nila) eh ang hilig niya sa scotch tape. May tape sa LAHAT ng bagay, kailangan man nito o hindi. Kung maulit man ang napakalaking baha na naranasan ni Noah, eh siguradong lulutang ang bahay na ito sa dami ng nakapulupot na tape. At lahat ng pag-aari niya ay nilalagyan niya ng label (papel+scotch tape) na may initials niyang ‘B.C.R.’, at ang mga salitang “DON’T TOUCH” sa sulat-kamay niyang parang ang nagmamayari eh na-master na ang prep, pero medyo tagilid pa isabak sa Grade 1.
Masyadong madaming ka-weirdohan si Papa Boy para mabanggit lahat sa entry na ‘to.
Ngayong malaki na kaming mga bata, at ang ilan sa amin ay may mga anak na rin, iba na ang papel namin sa bahay na ‘to—lalo na sa akin. Ako ang tiga-disiplina ng mga pamangkin ko at tumatayo bilang ama nila sa mga parteng hindi kaya punuan ng mga nanay nila mag-isa. Pero ang papel naming lahat para kay Papa Boy ay ganun pa rin. Mahilig siyang mang-asar ng bata. At nagagawa ko naman mainis sa kanya dahil sa kakambal niyang kakulitan at ang pagpapa-gitna niya sa amin tuwing dinidisiplina ko ang mga bata sa tuwing nagpapasaway sila. Para bang hindi kami dumaan sa ganun dati, at nagpapakabida siya sa mga pamangkin ko, at ako ang lumalabas na masama. Tulad ng nangyari kahapon. Gusto ko siyang puluputan ng scotch tape at ilagay sa cabinet, para hindi na makapakialam.
Nakakapikon. Nakakainis. Pero may naalala ako.
Naaalala ko nung minsan na tumama siya sa jueteng at binili ako ng Sega Megadrive nung bata ako, dahil alam niyang matagal ko na gusto nun. Isang bagay na hindi ko akalaing magkakaroon ako. Ang pagbili sa akin ng yosi sa tuwing may pera siya, paglibre ng kain sa labas…maliliit na bagay, pero ‘yun lang din kasi ang makakaya niyang ibigay. Ang mga tanong niya na paulit-ulit man, eh madalas mo namang dama na may tunay na pagmamalasakit.
Matanda na si Papa Boy. At parang lumalala pa ang kakulitin niya. At sa totoo lang, malamang ay konti na lang ang oras niya sa mundong ‘to. At kapag nawala na siya?
Malulungkot ako. At alam kong madaming luha ang iiiyak ko para sa kanya. Dahil alam kong mabait at mabuti siya sa kabila ng kakulitan at kaabnormalan niya. At dahil alam kong madalas eh hindi ko magawang unawain na lang siya.